Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang frigate deal ay maaaring bahagi na ng destabilization plot laban sa administrasyong Duterte.
Ayon kay Roque, bago pa man siya maging bahagi ng gabinete ay narinig niya mula sa kanyang dating consultant sa Kongreso at sa isang ‘public relations practitioner’ na mayroong malaking plano upang pabagsakin ang gobyerno.
Nang tanungin si Roque tungkol sa sinasabing ‘destabilization plot’ ay sinabi niyang ang sunud-sunod na mga isyung ipinupukol sa gobyerno sa ngayon ay maaaring bahagi na ng mga planong ito.
Sinabi ni Roque na maaaring ang isyung ibinalita ng Rappler ukol sa pangingialam umano ng top aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go sa frigate deal ay kanilang depensa matapos kanselahin ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang registration certificate.
Anya, kung para sa Rappler ay isang pag-atake sa kalayaang mamahayag ang naging desisyon ng SEC ay maaaring ang frigate deal controversy na ang depensa ng naturang media organization.
Iginiit ni Roque na tapos na ang kontrata sa frigate deal noon pang administrasyong Aquino kaya’t walang kinalaman dito si Go at kung mayroon naman anyang mga reklamo ay bukas lagi ang palasyo upang sagutin ang mga ito.