Ito ay kasama sa proseso ng pagre-recount ng mga boto para sa poll protest na inihain ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Kinuha na ang mga ballot boxes at mga dokumentong ginamit noong halalan sa 12 bayan sa Camarines Sur na balwarte ni Robredo.
Pagkatapos nito ay dinala ang mga balota at mga dokumento sa PET Retrieval Team sa opisina ng Commission on Elections (COMELEC) sa bayan ng Pili.
Mula doon ay dadalhin naman ng PET Retrieval Team ang mga nasabing kagamitan sa compound ng Supreme Court dito sa Maynila kung saan isasagawa ang recount.
Sinaksihan at binantayan naman ng mga taga-suporta ng magkabilang panig ang naganap na retrieval at pag-deliver sa mga dokumento upang tiyaking walang iregularidad na magaganap.
Bukod naman sa Camarines Sur ay kabilang sa mga probinsyang sakop ng hinihiling na recount ni Marcos ay ang Negros Oriental at Iloilo.
Samantala, inaasahang sa Pebrero na magsisimula ang muling pagbibilang ng mga boto kaugnay ng ipinoprotesta ni Marcos sa umano’y naganap na pandaraya sa vice presidential election.