Matapos ang maling pagsusuot ng bandila ng Pilipinas ng dalawang Fil-Am sprinter sa ika-28 Southeast Asian Games, isa pang sablay ng mga Pilipinong manlalaro ang viral ngayon sa mga social media sites.
Sa pagkakataong, ito, pinagkakaguluhan ng mga netizens ang video ng dalawang kabataang diver na umani ng score na ‘zero’ matapos pumalpak sa 3-meter Springboard diving event.
Sa video, kita ang pagsablay sa ‘entry’ sa tubig ng dalawang diver na sina John David Pahoyo at John Elmerson Fabriga habang ginagawa ang routine sa naturang event .
Sa halip na mauna ang ulo, una likod na bumagsak sa tubig si Fabriga samantalang si Pahoyo naman ay una ang paa na bumagsak sa tubig.
Sa kasalukuyan, umaani na ng mahigit sa isang milyong views ang ‘sablay’ na dive ng dalawa sa social media .
‘Anong Nangyari?’
Pagpapaliwanagin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang pamunuan ng Philippine Swimming Inc. dahil sa palpak na performance ng tinataguriang ‘splash brothers’ na sina John David Pahoyo at John Elmerson Fabriga.
Ayon kay PSC Commissioner Richie Garcia, nais niyang malaman kung ano ang nangyari sa performance ng dalawa.
Napanoond niya aniya ang training ng dalawang diver at nakita na mahusay naman ang mga ito.
‘Salamat’
Samantala, dumipensa naman si Pahoyo sa palpak niyang performance sa Springboard event.
Giit ni Pahoyo sa isang Facebook post, hindi madali ang ngumiti matapos mapahiya sa harap ng libu-libong katao.
Pinasalamatan rin ni Pahoyo ang lahat ng mga sumusuporta sa kanya at sa lahat ng mga Pilipinong manlalaro na lumalahok sa SEAGames. / Jay Dones