4 na NBI agent, iimbestigahan dahil sa mga puslit na cellphone

de lima
Inquirer file photo

Iniutos ni Justice Secretary Leila de Lima na imbestigahan ang 4 na NBI agents na nagbabantay sa ‘Bilibid 19’ na nakapiit sa NBI detention facility.

Ito’y matapos tukuyin ng isa sa mga inmate na ang mga mismong nagbabantay sa kanila na NBI agents ang siya ring binabayaran nila para makapagpuslit ng mga cellphones sa loob ng piitan na ang suhol ay umaabot sa 1.5 million pesos bawat cellphone.

Gayunman, tumanggi si De Lima na pangalanan ang mga NBI agents na positibong kinilala ng isa sa ‘Bilibid 19’ na nagsisilbi ngayong testigo sa kaso.

Sa kasalukuyan ay inaalam na ng kalihim kung kaninong opisyal konektado ang mga agent na inaakusahan.

Isinailalim na ni de lima sa Witness Protection Program (WPP) ang naturang testigo dahil na rin sa hindi na umano ito ligtas sa loob ng NBI matapos ang ginawa nitong pagsisiwalat.

Una nang nabuko  ang ilang malikhaing paraan ng pagpupuslit ng communication gadgets sa loob ng kulungan ng ‘Bilibid 19’ na itinatago sa kaldero at sa suwelas ng sapatos at maging sa tsinelas.

Iniutos din ng kalihim ang mas mahigpit na pag-iinspeksyon sa mga bisita ng mga inmates at pinag aaralan na rin na kanselahin muli ang visiting rights ng mga ito  dahil sa mga mga paglabag.

Sakaling mapatunayan ang alegasyon laban sa mga NBI agents ay tiniyak ni De Lima na mahaharap ito sa mabigat na kasong kriminal bukod pa sa pagsibak sa tungkulin. / Ricky Brozas

Read more...