Malakanyang at Kongreso, pinagkukumento sa petisyon kontra-TRAIN Law

Inquirer file photo

Pinagsusumite ng Korte Suprema ang Malakanyang at Kongreso sa dalawang hiwalay na petisyon na kumukuwesiyon sa legalidad ng Tax Reform for Advancement and Inclusion o TRAIN Law.

Kaugnay ito ng petisyon na inihain ng grupo nina ACT Teachers Representative Antonio Tinio, Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate, at Anakpawis Representative Ariel Casilao at hiwalay na petisyon ng grupong Laban Konsyumer Incorporated.

Kabilang sa mga respondent sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, Senate President Aquilino Pimentel III, House Speaker Pantaleon Alvarez, Deputy Speaker Raneo Abu, Majority Leader Rodolfo Fariñas at Deputy Majority Leader Representative Arthur Defensor Jr, Finance Secretary Carlos Dominguez III at Internal Revenue Commissioner Caesar Dulay.

Ayon sa Supreme Court, mayroong 10 araw ang mga respondent na magsumite ng kumento.

Hirit ng mga petitioner na maglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order laban sa pagpapatupad ng TRAIN na tinawag nitong isang ‘regressive tax system.’

Bukod din umano sa hindi makatuwirang pagpapataw ng mataas na buwis sa mga produktong petrolyo, labag din umano ang TRAIN sa panuntunan ng Kamara de Representantes at sa 1987 Constitution.

 

Read more...