Sisibakin ni Department of Interior and Local Government Officer-in-Charge Eduardo Año ang mga tiwaling pulis, bumbero at jail guards sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Ayon kay Año, nais niyang maging mas mataas ang pamantayan ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology na nagbabantay sa mga kulungan.
Paliwanag ni Año, dahil doble na ang sahod ng mga mga pulis, bumbero, at jail officers, dapat doble na rin ang kanilang pagsisipag sa tungkulin.
Hinamon pa ni Año ang lahat ng DILG uniformed personnel na patunayang sila ay matitino, mahuhusay at maaasahan sa paglilingkod sa publiko.
Umapela rin si Año sa publiko na huwag matakot na magsumbong sa DILG at National Police Commission ang lahat ng mga iligal na gawain ng mga uniformed personnel para mapadali ang kanilang trabaho sa paglilinis sa mga opisyal na nasasangkot sa korapsyon at mga iligal na gawain. (Cyrille)