Hindi lang si Senator Franklin Drilon o ang iba pang miyembro ng liberal party ang dapat na imbestigahan ng Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman kundi maging ang iba pang personalidad na sangkot sa pork barrel scam kasabwat ang negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat na papanagutin sa batas ang mga pulitikong nagkamal sa pera ng bayan, kaalyado man o hindi ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit pa ni Roque na walang ibang hinangad ang kasalukuyang administrasyon kundi mahanap ang katotohanan sa pork barrel scam.
Una rito, sinabi ni Napoles na binigyan niya ng P5 milyon kickback si Drilon noong kasagsagan ng eleksyon.
Ayon kay Roque, tiyak na may physical evidence si Napoles para patunayan ang kanyang alegasyon na tumanggap ng kickback si Drilon mula sa kanyang pork barrel funds.