2 dating mayor, inatasang ibalik ang P29-M na pondo

Dating Mayor Soc Fernandez (kaliwa) at datign Mayor Eduardo Gullas | Cebu Daily News file photos
Dating Mayor Soc Fernandez (kaliwa) at dating Mayor Eduardo Gullas | Cebu Daily News file photos

Pinababalik ng Commission on Audit (COA) sa dalawang dating alkalde ng Talisay City sa Cebu, 11 nilang department heads at 2 empleyado ang P29 mliyong ginamit bilang pondo sa dalawang proyekto na nakitaan ng anomalya.

Ayon sa state auditors, itinuloy ni dating Mayor Eduardo Gullas ang implementasyon ng “Information Technology Project” na nagkakahalagang P26.988 milyon sa kabila ng kawalan nito ng ordinansa.

Napag-alaman din ng COA na overpriced ng 500% ang 3,333 bote ng liquid fertilizer na nagkakahalagang P2.3 milyon na binili noong kasagsagan ng termino ni dating Mayor Socarates Fernandez.

Kabilang sa mga dating kawani ng lokal na pamahalaan na pinagbabayad ng COA ay si dating city administrator at city legal officer Aurora Econg, city budget officer Edgar Mabunay, general services officer Joan Vebar, city engineer Audie Bacasmas, human resource officer Emely Cabrera, city accountant Viluzminda Villarante, city treasurer Emma Macuto, dating city registrar Gemma Landion, city building administrator Ariel Araw-Araw at city agriculturist Rene Galado.

Nadawit rin ang dalawang staff members ng accounting at engineering departments na sina Melanie Lavador at Rey Lumapas, pati na rin ang dalawang supplier na Equipment supplier Powerdev Corp. and Gracias Industries Supplier.

Nanggaling ang utos na pagbayarin ang mga nabanggit ay nakapaloob sa Notice of Finality of Decision na ipinadala sa opisina ni kasalukuyang Mayor Johnny de los Reyes noon pang August 5.

Ang naturang notice na pirmado ni Commission Secretary Nilda Plaras, ay bunsod ng dalawang ibinabang desisyon ng COA na huwag pondohan ang dalawang nasabing proyekto.

Bumuo pa ng special audit team ang COA para imbestigahan ang dalawang proyekto matapos silang makakita ng kakulangan sa mga kaukulang dokumento at paglabag rin sa tamang proseso ng bidding.

Lumalabas kasi na hindi sumunod sina Gullas at Fernandez sa apat na inilabas na notice of suspensions ng COA Central Visayas na nagpapatigil sa mga paggamit ng pondo ng lungsod para ituloy ang implementasyon ng mga maanomalyang proyekto.

Read more...