Samal hostages, dinala na sa Sulu ayon kay Duterte

DUTERTE AT VACC 17TH FOUNDING ANNIVERSARY/JULY 3,2015 Davao City mayor Rodrigo Duterte gestures during his speech as guest of honor at the VACC 17th Founding Anniversray held at Camp Aguinaldo, QC. INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA
INQUIRER PHOTO/RAFFY LERMA

Naniniwala si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na dinala na sa Sulu ang tatlong dayuhan at isang Filipina na dinukot sa Samal Island noong nakaraang linggo.

Ayon kay Duterte, lahat ng impormasyon na lumalabas ay nagtuturo na dinala na sa Sulu ang mga bihag.

Ito ay matapos ihayag ng isang mataas na opisyal ng Moro National Liberation Front (MNLF) na namataan ng kanilang mga assets sa Sulu ang pagdating ng isang bangkang jungkong o isang bangkang de motor sa dalampasigan ng bayan ng Talipao noong Sabado ng gabi.

Ang grupo ay sinasabing pinamumunuan ng isang Makmud Askali na may kaugnayan sa Abu Sayyaf, ngunit hindi naman malinaw kung siya ba ay kaanak ng pamangkin ng isa sa mga pinuno ng Abu Sayyaf na si Haik Askali alias Abu Aswad na inaresto ng mga pulis noong 2013 dahil sa pagdukot sa mga dayuhang birdwatchers.

Noong Biyernes, inalok ni Duterte ang mga kidnappers na siya na lang ang kuhanin kapalit ang kalayaan ng mga biktima, at aniya, nag-text na rin siya sa hinihinalang suspek para makipagnegosasyon sa matiwasay na pagpapalaya sa mga bihag.

Tinanong rin niya ang mga ito kung maaari ba siyang tumungo sa kanilang kinaroroonan para personal na bawiin ang mga bihag.

Umapela pa siya sa mga kidnappers na maging makatwiran naman sa paghingi ng ransom at huwag nang patagalin pa ang pambibihag sa mga biktima.

Pinabulaanan naman ni Duterte ang mga spekulasyon na ito ay isang akto ng paninira sa kaniyang imahe na sumisiguro sa kapayapaan at kaligtasan hindi lamang ng Davao City kundi ng buong rehiyon ng Davao.

Samantala, nanindigan naman ang commander ng Joint Task Group Sulu na si Brig. Gen. Allan Arrojado na nasa Zamboanga City, na walang kumpirmasyon ang impormasyong dinala na nga sa Sulu ang mga bihag.

Aniya, hindi basta-basta nagsasagawa ng aksyon ang mga militar base lamang sa isang source, kundi kailangan ay magkaroon muna ng tatlo hanggang apat na mapagkakatiwalaang impormasyon bago sila kumilos.

Dagdag pa niya, mananatili itong spekulasyon hanggang sa makakuha sila ng solido at mapagkakatiwalaang impormasyon.

Read more...