Pagbibigay umano ni Napoles ng P5-M sa kaniya, “fake news” ayon kay Drilon

 

Tinawag na “fake news” ni Senate Minority leader Franklin Drilon ang akusasyon na tumanggap siya ng P5 milyong campaign contribution mula sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.

Sa mensaheng ipinadala ni Drilon sa INQUIRER.net, mariin niyang itinanggi ang pagtanggap ng pera mula kay Napoles.

Giit ni Drilon, nagsumite sila ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) na maaring siyasatin ng publiko.

Ayon pa kay Drilon, hindi na sila magkokomento pa sa aniya’y halatang “fake news” na ang intensyon ay mang-harass sa oposisyon.

Matatandaang sa panayam ng broadcaster na si Erwin Tulfo kay Napoles ay sinabi nitong nagbigay siya ng campaign donation kay Drilon na nagkakahalaga ng P5 milyon noong kasagsagan ng 2010 presidential elections.

Naniniwala naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat maimbestigahan ang alegasyon na ito, pero ipauubaya na nila ito sa Department of Justice (DOJ).

Read more...