Hinikayat ni House Committee on Dangerous Drugs Vice Chairman Arnolfo Teves ang gobyerno na utusan ang Sanofi-Pasteur na pondohan ang pagpapa-ospital ng mga estudyanteng naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Teves, dapat tiyakin na mayroong P2 Billion na pondo para sa hospitalization needs at iba pang pangangailangang medikal ng mga mag-aaral na nabakunahan.
Hindi aniya sapat ang refund na P1.2 Billion ng Sanofi sa pamahalaan para ipakitang sinsero sila sa pagresolba sa problema ng maraming pamilya na nabakunahan ang mga anak ng anti-dengue vaccine.
Ilang kaso na aniya ang naitala ng pagkakasakit at pagkamatay sa mga kabataang naturukan ng Dengvaxia na dapat makatanggap ng tulong.
Kailangan din anyang boluntaryo ang tulong na ibibigay ng Sanofi sa mga apektadong pamilya.
Gayunman, sinabi ng kongresista na hindi ito mangangahulugan na lusot na sa pananagutang legal ang Sanofi Pasteur.