Iraqi na hinihinalang sangkot sa foreign extremist group, arestado sa Pampanga

Naaresto ng mga otoridad sa Pampanga ang isang Iraqi national na hinihinalang may kaugnayan sa foreign extremist groups.

Iniharap sa media sa Camp Crame ni Philippine National Police Chief Ronald Dela Rosa si Taha Mohamed Al-Jabouri, 64 anyos na nadakip noong Linggo sa Pampanga dahil sa pagiging overstaying sa bansa.

Ayon kay Dela Rosa, si AL-Jabouri ay isang chemist at may kaalaman sa paggawa ng mga pampasabog at kaalyado ng militant extremist movements gaya ng ‘Hamas’ sa Middle East.

Nakuha mula sa dayuhan ang kaniyang bagahe na naglalaman ng kaniyang personal na gamit at mga pera na may iba’t ibang currency.

Inamin ni Al-Jabouri na siya ay naging “consultant” ng Hamas Organization sa Damascus Syria at pagkatapos ay lumipat siya sa Istanbul, Turkey noong 2012.

Nagtungo umano siya sa Pilipinas dahil may grupo ng mga negosyanteng Chinese ang kumuha din sa kaniya bilang consultant.

Wala namang nakuhang ebidensya ang PNP mula sa dayuhan na magpapatunay na siya ay nasangkot sa teroristang grupo o terror activities habang naririto siya sa bansa.

Dumating si Al-Jabouri sa Pilipinas noong August, 10, 2017 tatlong buwan bago ang ASEAN Summit and Related Summits.

Ang kaniyang visa ay valid lamang hanggang November 9, 2017.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...