Base sa apela ni Revilla sa Korte Supreme sa pamamagitan ng kanyang abogadong si dating Solicitor General Estelito Mendoza, humihirit din ito na payagan siya ng anti-graft court na makapaghain ng piyansa.
Partikular na ipinupunto ni Revilla ang naging ruling ng Sandiganbayan first division noong January 15 na hindi pinayagan ang kanilang kampo na makapaghain ng demurrer to evidence.
Ang demurrer to evidence ay isang mosyon na naglalayong ibasura ang kaso dahil sa mga mahihinang ebidensya.
Ayon kay Mendoza, malinaw na hindi binibigyan ng due process ang kanyang kliyente na isang presumed innocent dahil sa pagsopla ng anti-graft court sa kanyang hirit na demurrer to evidence.
Makailang beses nang pinabulaanan ni Revilla na tumanggap siya ng kickback na P224 million mula sa kanyang pork barrel funds dahil sa paggamit umano ng mga bogus na non-government organizations ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.