Dumarami ang mga abogado na sumusuporta at pumapanig kay Sen. Grace Poe.
Ito ay para kontrahin ang pananaw ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na pinuno ng Senate Electoral Tribunal (SET), na isang naturalized at hindi native-born Filipino ang senadora.
Dahil sa inihayag na opinyon ni Carpio sa kasagsagan ng oral arguments noong September 21, marami ang nanawagan sa pag-inhibit niya sa kaso, pero ayon kay Atty. Romulo Macalintal na isang election lawyer, hindi ito sapat na dahilan para mag-inhibit si Carpio.
Ani Macalintal, ang sinabi ni Carpio ay isa lamang personal na opinyon na ibinase sa customary international law at hindi pa ito ang desisyon ng SET
Para kay dating Sen. Rene Saguisag, dapat nang mag-inhibit sa disqualification case si Carpio dahil hinusgahan na kaagad nito ang kaso dahil sa kaniyang opinyon.
Ani Saguisag, bagaman isang ampon, si Poe ay ikinokonsidera bilang natural-born Filipino citizen, base na rin sa United Nations’ Universal Declaration of Human Rights (UDHR).
Sinang-ayunan naman ito ni Retired Chief Justice Artemio Panganiban na isinalaysay pa sa kaniyang column sa Inquirer ang Article 2 ng 1961 Convention on the Reduction of Statelessness na nagsasabing “A foundling found in the territory of a Contracting State shall, in the absence of proof to the contrary, be considered to have been born in the territory of parents possessing the nationality of that State.”
Ayon naman kay House Deputy Minority Leader Arnel Ty, marapat lang na ipaliwanag ni Poe ang dahilan kung bakit niya kinailangang talikuran ang pagka-mamamayang Pilipino niya, gayong maaari naman siyang mamuhay, magtrabaho at bumuo ng pamilya sa Amerika nang hindi ito ginagawa.
Dagdag pa ni Ty, karapatan ng mga botante na marinig ang diretsahang sagot mula sa senador, dahil para sa kaniya ito ang katanungan na nais malaman ng mga mamamayan ang kasagutan.
Marami naman aniyang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Amerika na may permanent US residency na hindi naman tinalikuran ang kanilang Filipino citizenship.