Pumatay ng hammerhead shark ipakukulong ng DENR

AP file photo

Pinakakasuhan ng Department of Environment and Natural Resources ang mga pumatay sa hammerhead shark na na-stranded sa dalampasigan ng Curimao sa Ilocos Norte.

Sa isang pahayag sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na dapat panagutin sa batas ang indibidwal na pumatay sa nasabing pating na kabilang sa endangered species dahil sa overfishing at mabili sa underground market dahil sa kanilang fins.

“What they have done is illegal and government will find out the people involved in its capture. I want them prosecuted,” sabi pa ni Cimatu.

Base sa nakarating na report sa DENR central office, ang pating ay nahuli ng isang mangingisda para ibenta ang karne nito.

Ang nasabing mangingisda ay naaresto pero pinalaya dahil sa utos ng isang Barangay official.

Sinabi ni Cimatu na kakausapin niya ang mga opisyal ng Department of Agriculture sa Ilocos Norte para masampahan ng kasong administratibo ang opisyal ng Barangay na nagpalaya sa suspek.

Ang Pilipinas ay signatory sa  Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

Isinusulong nito ang mga hakbangin para proteksyunan ang mga commercially exploited na species ng pating tulad ng scalloped hammerhead, great hammerhead at smooth hammerhead.

Mahigpit naman na ipinagbabawal ang paghuli, pagpatay, at pagbebenta ng mga endangered species sa ilalim ng Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Ang mga lalabag sa nasabing batas ay mahaharap sa parusang 8 taong pagkabilanggo at multa na mula P300,000 hanggang P3 Million.

Read more...