Hindi dapat madaliin ng mga mambabatas ang pag-amyenda sa Saligang Batas, ayon kay dating Senador Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.
Sinabi ni Pimentel na medyo tagilid ang tatlong buwan na panahon tungo sa federalism.
Paliwanag niya, maganda ang layunin ng pagpapalit ng sistema ng pamahalaan tungo sa federalism, pero dapat aniya na maintindihan ng mga mamamayan kung bakit kinakailangan ito.
Ayon kay Pimentel, posibleng sa ikalimang taon pa ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte mangyari ang pagpapalit sa federalism.
Ipinahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maaaring pagbotohan na ng publiko sa isang referendum ang balangkas ng federal charter pagdating ng buwan ng Mayo.
Isasabay aniya ito sa eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan kapag nag-convene ang Kongreso sa bilang isang Constitutional Assembly ngayong buwan.
Samantala, sinabi ni Pimentel na isinusulong niya ang federalism ngayong panahon ni Duterte dahil baka iba naman ang maging pananaw ng susunod na pangulo ng bansa at mabalam muli ang pagsusulong nito.