Ayon sa militar, ipinagbigay-alam ni Sulu Governor Abdusakur Tan Sr. sa Joint Task Force Sulu na dinala ng isang concerned citizen ang dalawa sa kanyang bahay.
Nakilala ang mga biktima na sina La Utu bin La Raali at La Kadi La Edi.
Sinundo ng mga sundalo ng Joint Task Force Sulu ang Indonesian nationals sa bahay ni Tan sa Barangay Asturias.
Batay sa impormasyon ng mga otoridad, sina La Utu at La Hadi ay binihag ng bandidong grupo nang mahigit isang taon.
Dinukot sila ng ASG sa karagatang sakop ng Malaysia noong November 4, 2016.
Ayon kay Senior Supt. Mario Buyuccan, Direktor ng Sulu Provincial Police Office, sumailalim na sa medical examination ang dalawa at isinasailalim sa debriefing.
Hindi naman binanggit sa ulat kung paano nakalaya ang mga bihag.