Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na hindi maabala ang normal na operasyon ng mga paliparan sa bansa kasunod ng kanselasyon ng kontrata ng cargo handling company na Miascor.
Ginawa ito ni Ninoy Aquino International Airport General Manager Ed Monreal matapos na ipaliwanag na hindi agad-agad ang pagtatanggal ng serbisyo ng Miascor.
Sinabi ng opisyal na binigyan nila ang Miascor ng 60 araw na transistion period para makakuha ng bagong cargo handling company.
Paliwanag ni Monreal, hindi lang naman ang Miascor ang cargo handling company sa mga paliparan dahil may lima pang katulad na kumpanyang maaaring pagpilian.
Samantala, mas maghihigpit pa aniya nila sa mga ground crew para hindi na maulit ang mga insidente ng pagbubukas ng mga bagahe ng pasahero.
Ang direktiba aniya sa kanila ni Transportation Secretary Arthur Tugade ay pagsuotin ng mga body cam ang mga ground crew na humahawak ng mga bagahe at mga security personnel.
Bawal din aniya ang pagsusuot ng mga alahas tulad ng relo o hikaw ng ground crew bilang bahagi ng kanilang paghihigpit.