DOH naglabas ng P2-M para sa pagtatayo ng temporary toilet facilities sa Albay

Kuha ni Mark Makalalad

Naglabas na ng P2 milyong budget ang Department of Health Region 5 (DOH-5) para sa pagtatayo ng temporary toilet facilities sa mga evacuation centers sa Albay.

Ito’y kasunod na rin ng isinagawang assessment meeting kahapon sa Legazpi City kung saan sinabi ng ilang municipal mayors na problema sa kanilang nasasakupan ang mga palikuran dahil sa dami ng tao sa evacuation centers.

Ayon kay DOH Bicol Director Dr. Napoleon Arevalo, ipinagkaloob nila sa Albay government ang nasabing tulong dahil nabatid na 700 toilet facilities ang kulang sa lugar.

Masasabing sapat na rin daw ang naturang halaga dahil nagsiuwian na ang nasa 11,000 evacuees sa Legazpi na nangangahulugan ng mas kaunting paglalaanan ng budget.

Kapag natanggap na, ang Albay government na ang bahala kung aling munisipalidad ang prayoridad nila na pagtayuan ng temporary toilet facilities.

Pero inirekomenda ng DOH na unahing evacuation centers ay yung may pinakamaraming tao.

Read more...