Ayon kay Supt Aristotle Bañaga, Bureau of Fire Protection Cavite provincial director, naapula ang sunog ganap na 4:34 ng umaga.
Nagsimula ang sunog ganap na 9:49 na ng gabi sa dalawang gusali ng House Research Development (HDT) na agad itinaas sa ikatlong alarma.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Calabarzon, itinaas na ang sunog sa Task Force Alpha ganap na 10:50 ng gabi.
Nadamay naman ang katabing gusali nito na Scad Services kung saan binubuo ang mga pinutol na palochina, upang gawing pinto at bintana bago ipadala sa Japan.
Wala naman aniyang tao sa loob ng mga nasabing gusali nang sumiklab ang sunog dahil naglabasan na ang mga ito 5:30 ng hapon.
Gayunman, tinatayang nasa 1,000 na empleyado ang maaapektuhan dahil sa nasabing sunog.
Sa ngayon ay hindi pa tiyak kung magkano ang halaga ng pinsalang naidulot ng sunog, pero inaalam na ito ng mga otoridad.
Tiniyak naman ni Cavite Gov. Boying Remulla na tutulungan ang mga empleyado na pansamantalang mawawalan ng trabaho.
Dakong 12:01 naman ng madaling araw ay naideklara nang under control ang nasabing sunog.
Ito na ang ikalawang insidente sunog na naganap sa naturang lugar mula noong 2017.
February 1 noong nakaraang taon ng masunog naman ang pabrika ng House Technologies Industries (HTI) kung saan mahigit 100 ang naitalang sugatan.