Habang sakay ng eroplano mula sa Santiago Chile patungong Iquique, Chile, nagdaos ng seremonya ng kasal si Pope Francis. Ito ang kauna-unahan sa kasaysayan na nagkasal ang isang Santo Papa habang nasa eroplano.
Nasa biyahe si Pope Francis bilang bahagi ng kaniyang pagbisita sa Chile nang siya ay lapitan ng mga crew ng LATAM Flight 1250 na flagship carrier ng nasabing bansa para magpakuha ng larawan.
Nang lumapit ang flight attendants na sina Paula Podest at Carlos Ciuffardi, nabanggit nila sa Santo Papa na sila ay mag-asawa.
Habang nagpapakuha ng larawan, tinanong sila ni Pope Francis kung sila ba ay kasal sa simbahan, at ayon sa mag-asawa civil wedding lamang ang naging seremonya noong 2010 dahil matinding pinsala ang idinulot ng malakas na lindol sa mga simbahan sa Chile.
Doon na sinabi ni Pope Francis na ikakasal niya ang dalawa na agad namang sinang-ayunan ng mag-asawa.
Agad inilabas gumawa ang isang Vatican official ng handwritten marriage certificate para sa isinagawang sakramento ng kasal.
Binanggit ng Santo Papa sa mag-asawa na ang sakramento ng kasal ay unti-unti nang nawawala sa mundo kaya nais niyang magsilbing inspirasyon sa iba ang nangyari.