Mga senador na ayaw sa federalismo, huwag iboto – Alvarez

Hinimok ni Speaker Pantaleon Alvarez ang publiko na huwag iboto ang mga senador na hindi susuporta sa planong pag-amyenda sa Saligang Batas patungong federalismo.

Ayon kay Alvarez, kung hindi suportado ng mga senador ang federalism ay ayaw din ng mga ito sa mga benepisyong hatid ng bagong uri ng gobyerno.

Matatandaang isa sa mga nais ni Pangulong Rodrigo Duterte bago pa man maupo sa posisyon ay gawing federalismo ang uri ng pamahalaan dahil sagot anya ito upang maipakalat ang pag-unlad sa mga lalawigan partikular sa Mindanao.

Ayon kay Alvarez, kung ayaw ng mga senador ang federalismo ay ayaw ng mga itong umasenso ang mga probinsya at ibang rehiyon kaya hinimok niya ang mga tao na huwag iboto ang mga ito.

Nauna nang nagkasundo ang Senado sa kanilang isinagawang caucus na hindi dumalo sa ipatatawag na Constituent Assembly (Con-Ass) ng Kongreso at sila ay magsasagawa ng hiwalay na pagboto.

Gayunman, iginiit ni Alvarez na magtutuloy-tuloy sila sa trabaho at tiwalang maaabot ang three-fourths na kailangang boto sa Kongreso kahit wala ang mga senador.

Anya, mayroon namang Korte Suprema na huling magdedesisyon kung tama ang kanilang ginagawa o hindi.

Read more...