Con-con, maaring samantalahin ng mga malalaking negosyante – Alvarez

Mariin pa ring isinusulong ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pagsasagawa ng constitutional assembly (con-ass) kaysa constitutional convention (con-con) para sa pag-amyenda ng Saligang Batas.

Giit ni Alvarez, ang pagsusulong ng con-con ay hindi nagbibigay ng katiyakan na hindi ito magagamit ng mga malalaking negosyante at mga pulitiko para protektahan ang kanilang pansariling interes.

Ayon pa sa mambabatas, nakatitiyak siyang magpapatakbo ng kani-kanilang mga kinatawan ang mga negosyante at pulitiko para maging miyembro ng con-con at magamit ito sa kanilang sariling pangangailangan.

Paliwanag ni Alvarez, mga miyembro na ng Kongreso ang magiging bahagi ng con-ass kaya siguradong may tiwala na ang publiko sa mga ito dahil sila ay mga halal na opisyal.

Sa con-con kasi ay iboboto pa ng mga tao ang kanilang mga magiging delegado na kakatawan sa kanila upang magpanukala ng mga amyenda sa Konstitusyon.

Ayon pa kay Alvarez, walang gagastusin ang gobyerno sa con-ass, hindi tulad ng sa con-con.

Hindi rin aniya niya makita ang magiging benepisyo ng paggamit ng con-con kung isa sa mga layunin ay maiwasan ang mga pulitiko at negosyante na isulong ang kanilang personal na interes.

Tiniyak naman ni Alvarez na walang maililihim sa publiko sakali man na magsagawa ng con-ass dahil iko-cover naman ito ng media at mayroon namang social media kung saan lahat ng detalye ay maibabalita sa sambayanan.

Read more...