Senado, sisiyasatin ang inventory ng oil at coal stocks

Magsasagawa ng public hearing ang Senate Committee on Energy upang tingnan ang imbentaryo ng coal at oil products.

Ito ay upang maiwasan ang mga nakaambang pagtaas sa presyo ng kuryente at produktong petrolyo bunsod ng buwis na idudulot ng pag-arangkada ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Inihain ni Sen. Sherwin Gatchalian na siyang chairman ng komite ang Senate Resolution 581 para maisagawa ng kapulungan ang pagsisiyasat.

Ayon kay Gatchalian, layon ng pagdinig na masigurong hindi maiisahan ang mga consumers sa pagbabayad ng mas mataas na presyo sa mga produktong petrolyo at kuryente mula sa mga oil at coal stocks na hindi pa naman sakop ng panibagong excise tax.

Iginiit ng senador na kailangang magmintena ang mga kumpanya ng langis at oil-based generation companies ng 15-30-day inventory ng stock ng petroleum products base na rin sa circular na ibinaba sa kanila ng Department of Energy.

Samantala, ang mga coal power plants naman anya ay kailangang magmintena ng 30-day coal running inventory.

Layon anya ng pagdinig sa senado na maprotektahan ang pinaghirapang kita ng mga mamamayan sa mga gusting manamantala sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mataas na presyo para sa kuryente at produktong petrolyo.

Read more...