Ang mga petisyon ay magkakahiwalay na inihain ng grupo ng mga mambabatas sa pangunguna ni Representative Edcel Lagman, mga myembro ng Makabayan bloc sa Kamara, dating Commission on Human Rights chairperson Etta Rosales at dating Commission on Elections chair Christian Monsod.
Ipinunto ng petitioners ang kakulangan sa factual basis para sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao nang isang taon. Sinabi nila na walang aktwal na sagupaan na nagaganap sa naturang rehiyon.
Depensa naman ni Solicitor General Jose Calida, mayroong nagaganp na rebelyon doon. Hindi aniya makukwestyon ang assessment ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na kinakailangan ang batas militar para sa kaligtasan ng publiko.
Samantala, pinagbigyan ng korte ang kahilingan ni Calida na payagan siya hanggang January 24 na magsumite ng memorandum ng gobyerno sa kaso. Maglalaman ito ng mga argumento ng estado para depensahan ang deklarasyon ng batas militar.