Tiwala si Senador Panfilo “Ping” Lacson na walang senador ang dadalo sa ipatatawag na Constituent Assembly ng mababang kapulungan ng Kongreso kaugnay sa usapin ng charter change o cha-cha.
Ayon kay Lacson, sa isinagawang caucus ng mga senador, nagkasundo sila at lahat ay pumayag na panindigan na voting separately ang ipatupad na proseso sa gagawing pagboto sa cha-cha.
Sa ngayon ay wala naman umanong senador ang nagpahiwatig na dadalo o tatalima sa Kamara. Pero sakali aniyang mayroong magtangka ay nag-babala si Lacson na ipapatanggal niya sa Senado ang sinumang senador na susuway sa napagkasunduan ng mga kapwa senador.
Giit ni Lacson, maituturing ito na pagtataksil at pagtatraydor sa Senado bilang isang institusyon. Kaya marapat lamang aniya na idulog nila ito sa ethics committee para tanggalin at sipain ang senador sa senado na susuway sa kanilang kasunduan.