Ito ang lumitaw sa isinagawang pag-aaral na isinapubliko sa medical journal na BMJ Case Reports.
Ayon sa mga eksperto, maling-mali ang nakagawian ng ilan na pigilan ang pagbahin lalo na ang pagpindot pa sa ilong para hindi tumuloy ang hatsing o maawat ang lakas nito.
Inihalimbawa sa naturang pag-aaral ang sinapit ng isang 34-anyos na lalaki na nagtungo sa emergency room ng isang ospital sa Leicester, England nang namamaga ang leeg at dumadaing ng matinding sakit.
Ayon sa nasabing pasyente, matapos niyang pigilan ang pag-hatsing niya sa pamamagitan ng pagpindot sa kaniyang ilong at pagsara sa kaniyang bibig ay nakaramdam na siya ng tila pamamaga sa leeg.
Nang magsagawa ng test, natuklasan na ang pwersa ng pinigilang bahin ay nagdulot ng punit sa likuran ng lalamunan ng pasyente.
Dahil dito, nahirapan siyang kumain at makapagsalita kaya ginamitan ng tubo sa ospital at binagyan ng intravenous antibiotics para maawat ang pamamaga at sakit.
Payo ng mga eksperto, huwag pipigilan ang pagbahin kung nakararamdam nito.
Ugaliin na lang magdala ng panyo o tissue na maaring ipantakip kapag nahahatsing.