Media groups dapat magkaisa para sa ‘freedom of the press’-Trillanes

 

Mariing kinondena nina Senador Antonio Trillanes at Senador risa Hontiveros ang ginawang pag-revoke ng SEC sa registration ng online news network na Rappler.

Ayon kay Trillanes, isang malinaw na pagtatangka ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na patahimikin at busalan ang iilan na lamang na media entity sa bansa na nananatiling independiyente o malaya.

Dahil dito, sigurado umanong may ‘chilling effect’ ang SEC revocation sa iba pang media entity para sumunod sa mga propaganda ng Duterte administration.

Kasabay nito, nanawagan si Trillanes sa iba pang media groups na magkaisa at magsama-sama para ipaglabanan ang kalayaan sa pamamahayag.

Samantala, ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, maituturing na pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag at ‘pure harassment’ ang ginawang pag bawi ng registration ng Rappler na ginawa ng Securities and Exchange Commission o SEC.

Ayon kay Hontiveros, ganito rin umano ang ginawa ni dating pangulo Ferdinand Marcos kung saan pilit na ipinasara ang mga media entity noon na kritiko ng kanyang administrasyon.

Paliwanag ni Hontiveros, isang malinaw na pamamaraan ito ng isang diktador para patahimikin ang media lalo na ang bumabatikos sa Duterte administration.

Kaugnay nito, umapela si Hontiveros sa publiko at lahat ng media practitioners na ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag at karapatan na magsabi ng katotohanan laban sa mga nasa pwesto sa gobyerno.

Read more...