Inilikas na ang mahigit 12,000 katao mula sa tatlong munisipalidad sa Albay dahil sa pag-aalburuto ng Mayon Volcano.
Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit sa tatlong libong pamilya mula sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig at Malilipot ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers.
Nagpapatupad na rin ang NDRRMC ng forces evacuation sa Barangay Maisi, Daraga, Albay dahil may ulat na nakararanas na doon ng lava flow.
Katuwang rin ng NDRRMC ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapatupad ng evacuation ng mga residente, upang tiyakin na hindi muna sila babalik sa kanilang mga tahanan, para na rin sa kanilang kaligtasan.
Ayon kay Marasigan, nasa ilalim na ng Alert Level 3 sa ngayon ang bulkang Mayon dahil patuloy ang phreatic eruption nito o pagbuga ng abo.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Office of Civil Defense sa Local Government Units upang tiyakin na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga evacuees.