Cha-Cha tatalakayin na ng Senado at Kamara ngayong linggo

 

Sasabak na agad sa deliberasyon para sa Charter Change ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagbabalik-sesyon nila ngayong linggo.

Ayon kay House committee on constitutional amendments chair Rep. Roger Mercado, una sa kanilang gagawin ay ang pagpapatuloy ng interpelasyon para sa pag-convene ng Kamara at Senado sa isang constituent assembly.

Magkakaroon aniya sila ng malayang pagdi-diskusyon sa araw na ito upang makuha ang consensus ng mga miyembro tungkol sa constituent assembly na isinusulong upang amyendahan ang 1987 Constitution.

Kabilang sa mga tatalakayin ani Mercado ay ang pagpapalawig sa termino ng mga kongresista at iba pang mga halal na opisyal na naninilbihan ng tatlong taon.

Giit ni Mercado, wala silang masyadong nagagawa sa loob lamang ng tatlong taon kaya pag-uusapan nila kung dapat bang panatilihin ito o pahahabain.

Samantala, sa Miyerkules naman ay magsasagawa na ng pagdinig ang Senate committee on constitutional amendments sa pangunguna ni Sen. Kiko Pangilinan.

Dito aniya nila aalamin kung kailangan nga ba talagang amyendahan ang Saligang Batas.

Maliban dito, tatalakayin din nila kung dapat bang magkasama o magkahiwalay na bumoto ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng constituent assembly.

Read more...