LTFRB, bukas sa pagkikipag-dayalogo sa PISTON

 

Handa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makipag-usap sa mga grupong patuloy na tumututol sa jeepney modernization program.

Kabilang dito ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na nag-anunsyong magsasagawa sila ng protesta sa lahat ng mga opisina ng LTFRB sa buong bansa sa January 24.

Panawagan ni LTFRB board member Aileen Lizada, mas makabubuting makipag-usap o makipag-dayalogo sa kanila ang PISTON, kaysa magsagawa ng mga rally na magdudulot lang ng abala sa publiko.

Ayon pa kay Lizada, dapat ay pakinggan sila ng mga ito dahil ang impormasyong nalalaman ng mga nagpoprotesta tungkol sa jeepney modernization ay pawang puro mali.

Paalala pa ni Lizada na maaring tanggalan ng prangkisa ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) dahil sa pagpoprotesta.

Samantala, tiniyak din ng LTFRB na magpapatuloy pa rin ang kanilang kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok” na sinimulan noong nakaraang linggo sa paglalayong bawasan na ang mga kakarag-karag na jeep sa lansangan at ang mga smoke belchers na public utility vehicles.

Nilinaw naman ng PISTON na hindi strike kundi protesta lamang ang kanilang isasagawa sa January 24.

Read more...