Muling nagbuga ng usok ang Bulkang Mayon ngayong umaga ng Linggo, January 14.
Naitala ang ikalawang phreatic eruption kaninang 8:49 ng umaga.
Ayon sa Phivolcs, ibinuga ng bulkan ang abo sa timog kanluran na bahagi patungo sa bayan ng Camalig.
Pero wala pa naman impormasyon kung ang nasabing phreatic eruption ay nagdala ng mas malaking ash cloud kumpara sa naunang pagbubuga ng abo na naitala kahapon.
Sinabi ng Phivolcs na bagaman hindi mataas ang pagbubuga, agad na natangay ang abo papunta sa direksyong southwest dahil sa malakas na hangin.
Dahil dito, nasa siyamnaraang pamilya na ang inilikas sa mga evacuation center bunsod ng insidente.
Inabisuhan din ng Phivolcs ang mga residente sa kalapit na bayan na iwasan na malanghap ang volcanic ash sa pamamagitan ng pagtatakip ng ilong gamit ang basang tuwalya.
Una nang itinaas ng Phivolcs ang alert level 2 dahil sa pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Nangangahulugan ito na posibleng masundan pa ng panibagong phreatic eruptions o mas delikadong “magmatic eruptions” ang aktibidad ng bulkan.