Inako ng New People’s Army ang pagdukot sa Deputy Chief of Police ng President Roxas North Cotabato na si Inspector Menardo Cui Sr.
Ipinahayag ng NPA Southern Mindanao Regional Operations Command (NPA-SMROC), “inaresto” ng Mt. Apo Sub-Regional Command si Cui noong December 28, 2017.
Ayon sa NPA, kinumpiska nila ang 9-mm service firearm ni Cui.
Dagdag ng komunistang grupo, iniimbestigahan nila ang pulis sa mga posibleng krimen nito laban sa mamamayan at sa kilusang rebolusyonaryo.
Inilabas ng NPA ang pahayag matapos ilabas ng grupo ang video ni Cui na nagsasabing maayos ang trato sa kanya ng mga rebelde.
Sa video, umapela rin si Cui kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front.
Hiniling din ng pulis sa Armed Forces of the Philippines na suspendihin ang kanilang mga operasyon para sa kanyang ligtas na paglaya.
Batay sa ulat, sapilitang pinasakay sa isang motosiklo si Cui noong December 28 sa harap ng isang bar at lodging house sa boundary ng Barangay Tuael at Poblacion.
Makaraan ang pagdukot ay dinala nila ang nasabing pulis sa bayan ng Magpet.