23 mga gutom na miyembro ng CPP-NPA sumuko sa Sultan Kudarat

Inquirer file photo

Umaabot sa 23 miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army ang sumuko sa mga otoridad sa bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.

Sa report na nakarating sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Philippine Army 33rd Infantry Battalion Commander Lt. Col. Harold Cabunoc na ang mga sumukong komunista ay mula sa bayan ng Palimbang sa nasabing lalawigan.

Kabilang ang nasabing mga rebelde sa Kilusang Rebolusyonaryong Barangay na isa sa mga armed wing ng komunistang rebelde sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Isinuko rin ng mga NPA members ang apat na Garand rifles, isang M14 rifle, isang homemade rifle, isang Cal. 45 pistola at iba’t ibang uri ng pampasabog.

Sinabi ni Cabunoc na sumuko ang mga rebelde sa tulong ng mga lokal na opisyal sa lugar.

Kanilang ikinuwento ang kanilang hirap na dinaranas sa kabundukan ng Sultan Kudarat dahil pinabayaan na umano sila ng kanilang mga pinuno sa kilusan.

Bukod sa matinding gutom, marami rin umano sa kanilang mga kasamahan ang may mga sakit na sa kasalukuyan.

Sinabi pa ng mga sumukong NPA members na posibleng sa mga front organization ng CPP-NPA napupunta ang malaking pondo ng kanilang grupo.

Nangako naman ng mabilis na livelihood support ang mga lokal na opisyal sa Sultan Kudarat para matulungan ang mga rebeldeng gustong magbalik-loob sa pamahalaan.

Read more...