Pinagpapaliwanag ng Department of Energy ang Manila Electric Company (Meralco) kung paano nito narating ang kanilang kwenta sa kung magkano ang itataas sa singil sa kuryente.
Inaasahan ang power rate hike dahil sa ipinatutupad na tax reform law ng pamahalaan na maaaring maramdaman ng Meralco costumers sa kanilang February billing.
Ayon kay Energy Secretary Alfonso Cusi, nais nilang malaman kung paano narating ng Meralco ang P0.08 na pagtataas sa bawat kilowatt hour.
Base sa paunang anunsyon ng nasabing power utility company, magpapatupad sila ng P0.0808 na pagtaas per kWh simula sa susunod na buwan.
Ang nasabing rate adjustment ay batay sa excise tax rates sa produktong petrolyo gaya ng diesel at coal na ginagamit ng mga planta ng kuryente at re-imposition ng VAT sa transmission charges.
Ang nasabing pagtataas ay mangangahulugan ng P16.16 na dagdag sa electricity bills ng mga tahanan na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan.
Handa naman ang Meralco na ipaliwanag ang pinagbatayan ng pagtaas alinsundo sa probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN Act.