Umabot sa 80,000 katao ang nakiisa sa unang araw ng nobenaryo at pagsisimula ng pinakamalaking pagdiriwang sa Cebu na Sinulog Festival sa karangalan ng batang Hesus.
Ito ang impormasyong ibinahagi sa Facebook ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu.
Tampok sa pagsisimula ng engrandeng selebrasyon ang tinatawag na “Walk with Jesus”, isang foot procession na dinaluhan ng mga libu-libong Cebuano sa Fuente Osmeña Circle sa Cebu City.
Pinangunahan ni Fr. Pacifico Nohara Jr., OSA ang unang misa para sa siyam na araw na nobena sa karangalan ng Sto. Niño.
Ayon kay Nohara, inaasahan na nila ang dami ng mga deboto ngayong taon dahil na rin sa magandang lagay ng panahon kumpara noong nakaraang taon.
Hinimok naman ni Rev. Fr. John Ion Miranda, OSA sa kanyang homilya ang mga mananampalataya na ibahagi ang pagmamahal ni Kristo sa kapwa.
Nagtapos ang huling misa sa ‘energetic’ na pagsayaw ng mga deboto ng tradisyunal na ‘Sinulog dance’.
Ang pista ng Sto. Niño ngayong taon ay papalo sa January 21.
Sa mismong araw ng kapistahan, ang unang misa sa Basilica ay pangungunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma.