Ito ay bunsod ng mga kasong ‘graft at usurpation of authority’ na isinampa laban sa kanya dahil sa malagim na Mamasapano incident noong 2015 na ikinasawi ng 60 katao kabilang ang 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force (PNP-SAF).
Kasama ni Aquino na babasahan ng sakdal ang akusado ring si dating PNP-SAF Director Getulio Napeñas.
Matatandaang naghain na rin ng not guilty plea ang isa pang akusadong si dating PNP Chief Alan Purisima na sumailalim sa arraignment Pebrero pa noong nakaraang taon.
Hindi naman masagot ng Fourth Division kung matutuloy ang arraignment dahil naghain ng ‘motion to quash’ o pagbasura sa mga kaso si Aquino noong January 4.
Batay kasi sa ‘rules of proceedings’, hindi pa maaaring tumuloy sa arraignment ng akusado hanggat hindi pa nareresolba ang mga naka-pending na mosyon.
Inihain ng Ombudsman ang mga kaso laban kay Aquino noong November 8 habang naisampa naman ang mga kaso laban kina Purisima at Napeñas noon pang December 2016.