Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, itutuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ito tulad ng kanyang pagtupad sa ipinangakong umento sa sahod ng mga pulis at militar.
Ang pahayag na ito ng palasyo ay sagot sa naging malamig na tugon ni Budget Secretary Benjamin Diokno na mangangailangan umano ng dagdag na 500 bilyong piso ang pagdoble sa sahod ng mga guro at hindi ito prayoridad ng ahensya.
Ayon kay Roque, alam ng presidente ang pinakamakabubuti at iginiit na hindi naman nito sinabing dodoblehin ang sahod ng mga guro tulad ng sa pulisya at militar.
Sinabi pa ni Roque na nag-utos pa nga si Duterte sa mga miyembro ng gabinete na gumawa ng paraan upang maitaas ang sahod ng mga guro bago pa man ang pagsusumite ng ikalawang package ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) sa kongreso.
Nanawagan naman si Roque sa mga guro na manatiling pasensyoso at tinitiyak naman anya niyang magkakaroon ng umento sa kanilang sahod sa ilalim ng administrasyon.