Naglabas ng pinakamataas na travel warning ang Estados Unidos sa limang lugar sa Mexico bunsod ng mataas na lebel ng kriminalidad at ‘gang activities’.
Pinaiiwas muna ng US State Department ang kanilang mga mamamayan sa Colima, Guerrero, Michoacan, Sinaloa at Tamaulipas na isinailalim sa ‘level-four risk’, ang pinakamataas na klasipikasyon ng travel warning ng US.
Ang naturang antas ng travel warning ay kapantay ng ipinataw ng US sa Afghanistan, Iraq at Syria.
Lumalabas sa mga datos na naging sobrang taas ng bilang ng kaso ng pagpatay sa Mexico noong 2017 habang noong 2011 naman ay mahigit 27,000 katao ang namatay dahil sa mga kaso ng homicide.
Bagaman nababahala ang gobyerno sa kriminalidad sa limang estado sa Mexico ay iba’t ibang babala naman ang inilabas ng US ukol sa uri ng panganib na mayroon sa kada isang lugar na ito.
Halimbawa nito ay sa Sinaloa kung saan aktibo ang mga gang habang uso naman ang gun battles sa Tamaulipas na nagreresulta sa ilang hostage taking sa mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.
Nasa level-four risk man ang limang lugar na ito sa Mexico ay nananatili naman sa level 2 classification ang buong bansa kung saan pinapayuhan lamang ang mga mamamayan na pag-ibayuhin ang pag-iingat.