Sinabi ito ni Reyes matapos maghain ang Office of the Ombudsman ng mosyon na humihiling na arestuhing muli ang dating gobernador dahil sa takot na baka tumakas ulit ito tulad ng ginawa niya noong 2012.
Gayunman, agad namang tinanggihan ng Sandiganbayan ang urgent motion ng prosekusyon na ikulong muna si Reyes habang nakabinbin pa ang resolusyon sa kaniyang apela noong August 29 tungkol sa pagkakakulong niya dahil sa graft.
Sa kabila naman ng pakiusap ng prosekusyon na gawing mabilis ang paglalabas ng desisyon, binigyan pa ng Sandiganbayan Third Division ang mga abogado ni Reyes para sumagot sa mosyon.
Ayon kay Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, nauunawaan nila ang pag-aalala ng Ombudsman sa mga ginawang pagtakas noon ni Reyes, ngunit sa kabila nito ay mayroon pa ring karapatan ang akusado na mapakinggan ang kaniyang sagot.
Samantala sinabi naman ni Reyes na kaya lang niya nagawang tumakas at magtago noon ay dahil sa init ng sitwasyon kung saan marami na siyang mga natatanggap na banta sa buhay bunsod ng pulitika.
Nagpasalamat naman si Reyes sa Third Division dahil sa pagbibigay nito ng pagkakataon sa kaniya na makasagot muna bago resolbahin ang isyu.