Matatandaang ginawa ito ng MMDA noon upang matulungang maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA lalo na sa kasagsagan ng rush hours.
Pero ngayon, nais nang imungkahi ng MMDA na gawing permanente ang alas-11:00 na operating hours ng mga mall at ipagpatuloy ang pagde-deliver ng mga nonperishable goods tuwing gabi.
Ayon kay MMDA assistant general manager Jojo Garcia, nakapagtala sila ng 10% na pagbilis sa travel speed sa EDSA mula sa huling bahagi ng November hanggang simula ng January sa kasagsagan ng implementasyon nito.
Ani pa Garcia, “full blast” na ang programang “Build, Build, Build” ni Pangulong Rodrigo Duterte ngayong 2018 na alam niyang may posibleng epekto sa daloy ng trapiko.
Gayunman, sinabi ni Garcia na ang mga gagawing imprastraktura naman ay para din sa publiko.
Magkakaroon ng pagpupulong ngayong araw ang MMDA at ang mga mall operators, at dito nila pagde-desisyunan kung sasang-ayon sila sa panukala ng MMDA na gawing permanente ang late opening hours.
Sa isasagawang pagpupulong ay ipipresenta din ng mga mall operators ang kanilang mga datos kung paano makakaapekto sa kanilang negosyo ang pag-iiba ng kanilang operating hours.
Tiniyak naman ni Garcia na hindi nila pipilitin ang mall operators dahil sila ang mas bihasa sa ganitong mga bagay at hindi ang MMDA, kaya naman sila din ang makapagsasabi kung nalulugi sila sa ganitong sistema.
Nanawagan si Garcia naman ng tulong sa mga stakeholders at malls na baka maaaring paghatian ang kakarampot na kalsada sa napakaraming mga sasakyan.
Kung maari sana ay gawing shifting ang paggamit sa kalsada.