Maghahain ng resolusyon si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson para hilingin na umupo ang Senado bilang ‘Constituent Assembly’ at pagbotohan ang isinusulong na pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay Lacson, isinasapinal na lang ang resolusyon na plano niyang ihain sa pagbubukas ng Sesyon sa Lunes para maisama sa pagtalakay ng Committee on Constitutional Amendments and Revisions of Law sa nakatakdang pagdinig sa Miyerkules.
Sa Constituent Assembly na isusulong ni Lacson, hindi na kailangang magdaos ng Joint Session para mag-convene bilang isang constituent assembly ang Kamara at Senado.
Sa halip, gagawin ang anumang amyenda gaya ng isang ordinaryong batas na hiwalay na tatalakyin sa Kamara at Senado.
Matapos ito, anumang pagkakaiba sa mga probisyon ay kanilang ihahain para talakayin sa Bicameral
Conference Committee.
Giit ni Lacson, ito na ang pinaka-mabilis na proseso para makatiyak na hindi maipapasok ang personal na interes ng mga pulitiko na nagbabalak at nagsusulong ng kanilang term extension.