Aabot sa 100 bahay ang naabo sa sunog na sumiklab sa isang residential area at palengke sa Pasig City.
Ayon kay Senior Insp. Jerson Montellana, hepe ng investigation division ng Bureau of Fire Protection-Pasig, nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Blumentritt Street na sakop ng Barangay Kapasigan, bandang 9:48 ng umaga.
Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog, at idineklarang under control 10:50 ng umaga.
Ayon sa Philippine Red Cross-Rizal Chapter, tatlo katao ang nakaranas ng pagkahilo at ang isa naman ay nahirapang huminga matapos makalanghap ng usok.
Mabilis ring kumalat ang apoy sa kalapit na lumang palengke ng Pasig dahil gawa ito sa light materials.
Hindi bababa sa walong firetrucks mula sa Bureau of Fire Protection at 32 mula sa volunteer fire brigade ang rumesponde upang apulahin ang apoy.
Iniimbestigahan pa sa ngayon ang dahilan ng sunog.