Unang araw pa lamang ng pagpapatupad ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ng kanilang kampanyang “Tanggal Bulok, Tanggal Usok,” pumalo na sa mahigit 200 na public utility vehicles (PUVs) ang nasita ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay Land Transportation Office (LTO) Enforcement Service director Francis Ray Almora, kabuuang 210 na pasaway na PUVs ang kanilang nasita hanggang alas-4:00 ng hapon ng Miyerkules.
Sa nasabing bilang, 184 ang nasita dahil sa sirang mga ilaw at kalbong gulong, habang ang nalalabing iba pa ay puro walang seat belts.
Samantala umabot naman sa 26 ang nasita ng I-ACT dahil sa smoke belching, na isa sa mga pangunahing target ng kampanya.
Dahil sa kani-kanilang mga pagsuway, diretso naman sa impound ang isang tricycle, dalawang bus at dalawang jeep.
Mayroon lamang 24 oras ang mga nasitang driver mula sa pagkakabigay ng ticket sa kanila upang dalhin ang kanilang mga PUVs sa LTO upang masiyasat ang road worthiness nito.