Quezon LGU, maniningil na ng environmental fee sa mga dadaan sa ‘Bitukang Manok’

 

Delfin T. Mallari/Inquirer

Sisimulan na sa lalong madaling panahon ng lokal na pamahalaan ng Quezon province ang pagkolekta ng bente pesos (P20) sa mga motoristang dadaan sa ‘Bitukang Manok’ o ‘Eme’

Ang naturang kalsada na matatagpuan sa boundary ng mga bayan ng Pagbilao, Atimonan at Padre Burgos ay sikat dahil sa pa-ekis-ekis na daananan at magandang tanawin dito.

Ayon sa Quezon Protected Landscape (QPL), ang bente pesos na sisingilin sa mga dadaan sa ‘bitukang manok’ ay magsisilbing environmental fee at gagamitin upang mapanatiling malinis at maayos ang kalikasan sa lugar.

Ang naturang halaga aniya ay kokolektahin ng Protected Area Management Bureau sa oras na ito ay maaprubahan na ng Department of Environment and Natural resources (DENR).

Bukod dito, maniningil na rin ng P50 hanggang P120 bilang parking fee sa mga bibisita sa Quezon Protected Landscape o QPL.

Samantala, P15 hanggang P30 naman ang magiging singil bilang entrance fee sa mga nais mamasyal at mag-trek sa lugar.

Ang QPL ay idineklarang protected forest reservation sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 740 at 594 at may lawak na 983 ektarya.

Read more...