Multa na mula P5,000 hanggang sa kanselasyon ng kanilang prangkisa ang maaaring kaharapin ng mga operators ng UV Express vans na magtataas ng singil sa pasahe dahil sa pagtaas ng halaga ng krudo.
Ito ang babala ni LTFRB Board Member at Spokesperson Atty. Aileen Lizada matapos isumbong sa kanya ang abiso sa taas pasahe ng biyahe ng UV Express mula Meycauyan, Bulacan hanggang Quezon City via NLEX.
Nakalagay pa sa abiso na ang fare hike ay ipatutupad simula sa Enero 15, araw ng Lunes, at ito ay dahil sa pagtaas ng mga bilihin, kasama na ang langis at maging sa upa ng kanilang terminal.
Ayon pa kay Lizada, kailangan maghain muna ng petition for fare hike ang anumang sektor sa pampublikong transportasyon at ito ay dadaan pa sa proseso.
Hanggang noong nakaraang Oktubre aniya ay may kabuuang 20,998 franchises para sa 22,645 UV Express units sa buong bansa.
Dagdag pa ni Lizada, hanggang sa araw na ito ay wala pa silang natatanggap na petisyon mula sa UV Express sector para sila ay magtaas ng singil sa pasahe.