Higit 900 pasahero ng MRT 3, pinababa sa Shaw Boulevard station

Maagang nakaranas ng aberya ang isang train ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) ngayong araw ng Martes, January 9.

Hindi bababa sa siyamnaraang pasahero ng MRT 3 ang pinababa sa Shaw Boulevard station southbound sa Mandaluyong City dahil sa technical problem.

Sa abiso ng DOTC-MRT 3, nakasaad na hindi sumarang pintuan ng train ang dahilan ng aberya na naganap kaninang 8:19 ng umaga.

Nakasakay naman ang mga apektadong pasahero sa sumunod na train na dumating makalipas ang tatlong minuto.

Ayon sa pamunuan ng MRT, isa sa nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng problema sa pintuan ng train ay bunsod ng pagsandal dito o sapilitang pagbubukas.

Pinaalalahanan naman ng MRT ang kanilang mga pasahero na iwasan ang pagsandal sa pintuan ng train.

Umabot na sa walong aberya ang naranasan ng MRT 3 sa pagsisimula ng taong 2018.

Read more...