Pulis na sangkot sa Jee Ick Joo kidnapping, pinayagang maging state witness

Pinagbigyan ng Angeles City Regional Trial Court ang hiling ng mga government prosecutors na maging state witness ang isa sa mga pulis na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo.

Sa inilabas nilang joint order, pinayagan na ng Angeles City RTC Branch 58 si SPO4 Roy Villegas na tumestigo para sa gobyerno.

Nagkaroon ng direktang partisipasyon si Villegas sa pagdukot kay Jee, pero hindi sa pagpatay sa negosyante noong 2016.

Gayunman, kasama siya sa mga lalaking nagdala sa mga labi ni Jee sa Gream Funeral Services sa Caloocan City kung saan ito sinunog.

Ayon kay Justice Irineo Pineda Pangilinan Jr., sumang-ayon ang korte sa prosekusyon na ang testimonya ni Villegas ay isang “absolute necessity” sa kaso.

Iginiit kasi ng mga prosecutors na ang naging partisipasyon ni Supt. Rafael Dumlao III ay matutukoy lamang sa pamamagitan ng magiging salaysay ni Villegas bilang eyewitness.

Matatandaang si Dumlao ang sinasabing mastermind sa pagdukot at pagpatay sa Koreano.

Ayon pa sa mga prosecutors, itinuturing nilang “essential evidence” ang mga sasabihin ni Villegas para suportahan ang pagtutol sa petition for bail na inihain ni Villegas.

Inamin din nila na wala silang ibang direct evidence maliban na lamang sa testimonya ni Villegas.

Magpapatuloy ang testimonya ni Villegas sa January 11 kung saan isasailalim siya sa cross examination.

Read more...