Telecom companies, magpapatay ng signal sa ilang lungsod para sa seguridad sa Traslacion

Parehong nagbigay ng magkahiwalay na abiso ang dalawang malalaking telecommunications companies na Smart Communications at Globe Telecom na pansamantala nilang sususpindehin ang kanilang mga mobile services ngayong araw.

Ito ay bilang bahagi na rin ng pagpapanatili ng mahigpit na seguridad partikular sa mga lugar na daraanan ng Traslacion ng imahe ng Itim na Nazareno.

Sa social media post ng Globe, sinabi nila na magsisimula ngayong araw, January 9, alas-5:00 ng umaga ang pansamantalang pagpatay nila sa mobile signal sa mga lungsod ng Maynila, Quezon City, Mandaluyong City at Makati City.

Maari din anilang madamay ang ilang mga lugar pa na malapit sa mga nabanggit na lungsod.

Sa post naman ng Smart, sinabi nila na para rin sa seguridad ng publiko ay tutugon sila sa kautusan ng National Telecommunciations Commission (NTC) at Philippine National Police (PNP) na panandaliang magpatay ng mobile signal.

Tulad sa Globe, magsisimula nang alas-5:00 ang panandalian nilang pagsuspinde sa signal ng kanilang mga subscribers.

Agad naman nilang ibabalik ang kanilang mobile services oras na abisuhan sila ng mga otoridad na maari na itong gawin.

Humingi ng paumanhin ang dalawang telecom companies sa alabang maidudulot nito sa mga subscribers kasabay ng paghingi na rin ng pang-unawa at kooperasyon para sa kaligtasan ng nakararami.

Smart Communications advisory

Karaniwang sinususpinde ang mga signal ng mga mobile devices tuwing Traslacion upang maiwasan ang banta sa seguridad ng publiko at mga deboto.

Maari kasing gumamit ang mga masasamang loob o mga terorista ng mobile devices bilang detonating device sa mga pampasabog.

Read more...