Patay ang isang miyembro ng New People’s Army habang ilan naman ang sugatan matapos magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at NPA sa Bukidnon bandang 5:30, hapon ng Sabado.
Sumiklab ang bakbakan ng tropa ng 403rd Infantry Brigade at rebeldeng grupo sa Sitio Mahan-aw sa bahagi ng Barangay Bulonay, bayan ng Impasugong.
Ayon kay 403rd Brigade Commander BGen. Eric Vinoya, natutukan ng kanilang hanay ang aktibidad ng NPA sa lugar sa tulong ng ilang sibilyan.
Narekober naman ang bangkay ng miyembro ng rebeldeng grupo at isang AK47 sa lugar.
Samantala, nakatakdang i-turnover ang bangkay ng NPA member sa local government unit para alamin ang pagkakakilanlan at ilibing.
Pinuri naman ni 4ID Commander MGen. Ronald Villanueva ang tropa ng mga sundalo para sa matagumpay na operasyon para mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.
Kasunod nito, iminungkahi ng opisyal sa NPA na sumuko na bago pa harapin ang kaakibat na parusa ng patuloy na pagrerebelde.
Sa ngayon, patuloy naman ang isinasagwang pursuit at clearing operations ng otoridad sa nasabing lugar.